Genevieve Asenjo’s Poetics

Pagpapabitay sa Matandang Kahoy na Inyam sa Isla Boracay

(Sanaysay sa “Ano ang Aking Sinusulat, Papaano, at Bakit?”)

Pagkatuto sa Unang Nobela, sa Lumbay ng Dila

Una kong napagdesisyunan magsulat ng nobela minsang nasa coffee shop at muling nadalaw ng mga katanungang “Kung tatapusin ko ang Ph.D., ano ang isusulat ko sa panahon ng bird flu, terorismo, at palawak na divisyon ng mahihirap at mayayaman dala ng globalisasyon? Paano mas magiging makabuluhan bilang akademiko at manunulat?”

Pagkukuwento ang aking “energy field” at sinasabi ng mga iskolar at kritiko na nakakatulong sa “pag-aakda ng bansa” ang pagsusulat ng nobela. Gusto kong paniwalaan na nakaambag dito ang Lumbay ng Dila (C & E/DLSU, 2010). Sa wikang Filipino at sa tono na pagtatangka sa “literary blogging,” nakita ko ang potensyal ng nobela sa hangarin kong maging pampublikong-intelektwal.

Makakalakad palabas ng ivory tower ng unibersidad ang nobela.

Nabasa ako, binabasa, babasahin, hindi lamang ng mga kapwa manunulat at estudyante, kundi ng mga kaibigan, kamag-anak, kababayan.

Sa pagsulputan ng mga social networking site, nakita ko rin ang maraming kabalintunaan, kontradiksyon. Nasa panahon tayo na sumpa ng indibidwal ang patuloy na pagsusulat ng sarili sa limitadong espasyo na kanyang binabayaran sa iba’t ibang porma ng komunikasyon na produkto ng kapital. Panahon rin ito na ang dikta ng kita ang siyang dominanteng nagdidisenyo sa lokal at nasyonal na mga komunidad bilang “customized cottages” na “locally produced” at “globally distributed.”

At ang unibersidad mismo, ang buong akademikong institusyon, sa mga programa nito sa panitikan at malikhaing pagsulat, ay isang pagbrika.  Isang produkto ang manunulat. Isang produkto ng manunulat ang nobela.

Isa pa.Gusto ko pang sumulat ng isa pang nobela. Baka, at bago pa, status update na lang at post shout ang aking mayari, malikha.

Multilingwalismo dahil ang bawat rehiyon ay bansa, ang bawat tao ay bansa ay kalibutan.

May isa akong naisulat na papel sa gradwadong paaralan: “Owning Hybridity: The Performative, Postcolonial Paramoedya Ananta Toer in This Earth of Mankind.” Nabanggit ko rito ang isa mismong sanaysay ng Indonesyang manunulat na ito na “My Apologies, in the Name of Experience.” Binatikos ni Toer ang tinatawag niyang kampung na kultura at sibilisasyon ng Java saan, aniya: “they bathed in the blood of their own brothers.” Tinutuligsa niya ang mito ng kagalingan ng Java – na minsan man, hindi natalo ang mga ito –  sa kanilang pakikipaglaban sa mga Dutch at Europeo.  Ikinukuwento ito sa wayang at pinapalaganap sa Mahabharata, Ramayana, at Babad Tanah Jawi na ayon pa kay Toer, mga akda ng “court poets” at kung gayon, mga alipin ng kapangyarihan.

Argumento ko sa papel na ito na kahanay ni Toer si Franz Fanon, ang rebolusyonaryong African at psychiatrist, sa kanyang konsepto ng nasyonalismo. Sa “On National Culture” sa Wretched of the Earth, diniskurso ni Fanon ang evolusyon ng rebolusyonaryong-intelektwal na mamamayan sa tinatawag niyang “national consciousness” na “which is not nationalism” at siyang pinaniniwalaan niyang “the only thing that will give us an international dimension.” Kasabay sa pagkilala ni Fanon sa kahalagahan ng nasyonalismo sa paggatong ng kontra-kolonyal na pakikibaka, nagbabanta siya sa pag-usbong ng “national burgeoisie” na sa proseso ng pagpapalawak at pagpapalakas ng kilos-nasyonalismo, pansariling interes at etnosentrismo ang maaari nito at tuluyang itatanghal.

Nakikita ko kina Toer at Fanon ang lapit ng aking poetika at politika kaugnay sa “pag-aakda ng bansa.” Higit pa dahil sumasang-ayon din ako kay J.Neil Garcia sa kanyang libro na Postcolonialism and Filipino Poetics sa kanyang kritisimo sa “katutubong kaakuhan” nina Virgilio Almario at Gemino Abad at sa “pantayong pananaw” ni Zeus Salazar. Sa limitasyon ng mga pinag-aralang kritiko sa bansa, kumatig si Garcia sa posisyon ng Caribbean na kritikong si Stuart Hall sa paglalarawan nito ng postkolonyal na identidad bilang “split” sa aksis ng pagkaka-pareho at pagkakaiba, ng pagpapatuloy at pagbubuwag saan ang identidad ay sabdyek sa patuloy na laro ng kasaysayan, kultura, at gahum. Becoming. Work-in-progress. Sa paglilimi ni Garcia, ito ay nangangahulugang pagtanggap sa “hybridity” ng identidad at buhay saan hindi dapat hinahanap ang  “recovery” ng “glorious past” sa hangad nating madiskubre kung sino tayo.

Kinukumpira ni Fanon ang aking karanasan at reflexivity sa sarili kong edukasyon at evolusyon bilang manunulat. Tinatanguan ko, sa aking mga kontradiksyon, ang argumento ni Garcia.

Ang nobelang Filipino, kaugnay sa kasaysayan bilang “sanaysay na may saysay,” ay ang pagtatanghal sa “noon” sa “ngayon:” sa mga sanhi at bunga; sa mga intervensyon at pagbabak-las; sa pag-alaala at paglimot. Ang paglikha ng kasalukuyang henerasyon sa sarili nitong mito: sa iba’t ibang wika sa bansa, sa pagiging bansa ng bawat rehiyon, at sa pagiging kalibutan ng bawat tao at bansa.

Kalibutan. Salitang Kinaray-a, Hiligaynon, at Cebuano para sa mundo, daigdig, sanlibutan. Puna ng Lola ko noong bata tuwing pasaway ako o engot: “Ay, nga bata ‘kaw, daw wara’t kalibutan” (“Ay, na bata ka, parang walang malay/walang alam.” O masasabi ring walang animo.)Ibig sabihin, para sa kamalayan ng mga Bisaya, ang kalibutan ay hindi lamang mundo/daigdig/sanlibutan na lumilibot sa aksis nito, o nalibot nina Magellan at Pigafetta tulad ng sinasabi ng mga teksbuk, kundi ang pagkakaroon ng wisyo, ng kamalayan, ng kaalaman tungkol dito, at kung gayon, ang paglibot dito at pag-angkin, na siyang dapat – ang moral na adhikain at pagsusumikap ng bawat indibidwal.

Kaya sa Kinaray-a ang pangalawang nobela, dahil ito ang boses sa isip, na bumabalik at nagpapaloob ng oral na katangian ng pagkukuwento, sa modo ng “abangan ang susunod na kabanata” sa panahon ng e-book.

Sinusundan ko ang mga debate sa bansa tungkol sa panitikan at wika: Ingles vs. Tagalog/Filipino, Tagalog/Filipino vs. iba pang wika sa bansa, at ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MLE).

Tulad ng punto ni Terry Eagleton sa After Theory na hindi pa masasabing tapos na o laos na ang teorya dahil kailangan pa ngang makita at maramdaman ang kongkretong epekto at impluwensya ng teorya sa pagtulong-lutas ng mga reyalidad tulad ng paglobo ng populasyon, global na kahirapan, at marami pang iba, ganito rin ang masasabi sa isyu ng wika at panitikan sa bansa. Maging sa pang-araw-araw na buhay sa akademya. Gayunman, sa ganang akin, mas gusto kong magsulat.

Ibig kong sabihin, masasabi ko na naresolba ko na sa personal na level ang ganitong isyu, kaya ang patuloy na pagsusulat sa Kinaray-a man o sa Hiligaynon o sa Filipino o Ingles. Para sa akin, ang mga magaling sa Ingles, sumulat sa Ingles, at s’yempre maganda rin kung matututo rin sila ng Filipino; magsulat rito tulad ng gina(ga)wa nina Bienvenido Lumbera, Isagani R. Cruz, Rolando Tolentino. At hindi lang sa Tagalog o Filipino, maganda rin kung mag-aral din sila ng iba pang wika sa bansa tulad ng Cebuano, Bikol, Hiligaynon, Iluko.

Ang mga nagsusulat naman sa Tagalog at/o Filipino, ganuon rin dapat ang gagawin: mag-aral din ng ibang wika sa bansa, maliban din sa Ingles. Ang mga nagsusulat naman sa rehiyunal na wika, magsulat lang din nang magsulat. At hindi rin kailangang kontrahin sakaling nag/magsusulat din sila sa Filipino at Ingles.

Kailangan lang, sa anumang wika, magaling ka. Iyon lang ang dapat at mahalaga. At magkaroon ng mambabasa. Kaya ang pagtutulungan dapat. Lalo na sa pagsasalin.

Ngayon, sa isyu ng representasyon sa global na mundo, bakit nga ba mga manunulat lang natin sa Ingles (maliban kamakailan kay Edgar Clabia Samar) ang nakakapunta sa Iowa at sa kung anu-ano pang mga internasyonal na pagtitipon ng mga manunulat? Marami pa dapat ang maipadala tulad ng pagpadala na ginawa ng PEN kay Jun Cruz Reyes, kasama si Wendell Capili, sa Japan nitong 2010. Bakit hindi rin isang manunulat sa Cebuano, Bikol, Kinaray-a, Hiligaynon, Iluko – kapantay ng manunulat sa Ingles at Tagalog – sa pagrepresenta ng manunulat na Filipino sa mundo? Alam natin na ang mga Koreano, Intsik, Hapon, Arabo, maging ang mga karatig na bansa sa Timog Silangang Asya, nagsasalita at nagsusulat sa kani-kanilang sariling wika sa loob at labas ng kani-kanilang mga bansa. Alam rin natin na hindi problema para sa mga manunulat sa bansa ang pagsasalita at pagsusulat rin sa Ingles sa internasyonal na eksena. Sakaling mayroon man, may interpreter at tagasalin, at di nga ba, global ang Pinoy?

Kaya sa Kinaray-a ko ito sinusulat, ang Kamatayon sa Isla Boracay, dahil iyan ang pitik ng aking isip, iyan ang boses na aking naririnig: ang daloy, ritmo ng Kinaray-a – nabubuhol itong mga linya’t pangungusap sa Kinaray-a.

Binabalak ko itong gawing e-book. Libre at sa istilong ”Abangan ang Susunod na Kabanata.” Magiging inter-active ito. Magkakaroon ng pahina o features saan pwede nilang maguhit ang mga karakter, ang mga eksena, ang mga lugar. Papatok man o hindi, basta natapos ko, matapos ang nobela, maglilimbag din ng kopya.

Dahil New Ph.D. Grant ko ito, ang salin o ang versyon sa Filipino ang aking ipapasa. Para hindi rin naman sila mamroblema sa evaluator. Para mabasa rin ako ng aking mga estudyante. Ninyo. Noon pa man, kasali na ako sa pangarap na magkaroon ng pambansang wika, at ito ang Filipino, ayon sa aking pagkaintindi, na base sa Tagalog at pinapalooban ng Espanyol, Ingles at ng mga mayor na wika ng bansa.

Gaya ng tunog at daloy ng Lumbay ng Dila at nitong Kamatayan sa Isla Boracay.

Pinapaniwalaan ko ang Filipino, dahil narito na nga kami, tutuo: tunog-Kinaray-a, tunog-Hiligaynon, tunog-Bikol.

Eh ang libro? Sa The Gutenberg Elegies: The Fate of Reading in an Electronic Age,, itinanong ni Sven Birkerts kung ang mundong nilikha ni Henry James ay makalalakad pa sa panahon ng produkto ni Bill Gates, at kung ang mga libro na nakilala natin, sa kanilang tinta sa papel, sa kanilang mga pahina na matutupi sa pagbabasa ay tuluyan nang patay. Hindi lang si Birkerts ang nagsabi nito. Marami. Tulad na nanghihingalo na rin ang akademya, ang humanidades – lahat na rin ng shortage narito na, kalamidad at peste, pati UFO at ET. Makaka-migrate na rin daw tayo sa ibang planeta.

Palagi, ibinabalik ako sa doon po sa amin, bayan ng Antique…kung hindi na po kayo magbabasa, kung wala na po kayong espasyo para sa mga libro, doon po sa amin, maraming bata ang nangangailangan ng libro, pati matatanda. E-book? Kindle? Alalahanin nating marami rin po ang hanggang ngayon, wala pa ring koryente, wala pang kompyuter.

Eh paano naman ang mga may kompyuter at libro pero ayaw naman o tamad o hindi nagbabasa? Sa mga klase ko po, nagbabasa kami ng malakas. Pinapabasa, isa-isa. May podcast na rin na tinatawag. Mga posibilidad lamang ang aking nakikita. At kung ‘yan rin ay “naïve optimism,” tulad ng isang komento ng estudyanteng aktibista raw (kutob ko hindi pa niya nabasa si Liwayway Abreu, maging si Bobby Garcia; o alam ang isyu ng DPA sa kilusan) sa politika (kung ano man ‘yan) ng Lumbay ng Dila, sige lang. Sa edad kong ito, ito rin ang isa sa aking mga natuklasan: sa panahon ng pagkabagot, kalungkutan, at pagkadismaya sa sarili, kapwa, at mundo, tunay na kaibigan ang isang magaling na libro, musika, pelikula.

Nasa “Isang Dipang Langit” at “Sunlight on Broken Stones” ang angas ng nobela.

“I am in pain that has no explanations. My suffering is so deep it has no cause neither does it lack a cause,” ani ng makatang Peruvian na si Cesar Vallejo sa kanyang akdang I am Going to Speak of Hope. Kaya Sadyah (with an “h”) Zapanta Lopez ang pangalan ng aking bida sa unang nobela. Sadya, salitang Kinaray-a at Hiligaynon na ibig sabihin ay masaya. Ito ang “pride of fiction” na sinasabi ni Francisco Arcellana: ang kakayahan ng kuwento, ng pagkukuwento, na maging higit kaysa katotohanan, ang “the truth of lies” na sinasabi ni Mario Vargas Llosa, upang makapagsiga ng rebelyon, ng “pasyon at rebolusyon,” ng “talinghaga ng gana,” dahil hindi tayo kailangang makuntento sa kung ano ang reyalidad, lalo na sa ngayon. Ang panitikan, partikular ang nobela, ay isang hakbang, o marahil iilang hakbang, na nau(u)na sa atin.

Kaya ang pangalawang nobela bilang paglalakad ng mas matulin palabas ng sarili.

“Ikaw ba si Sadyah Zapanta Lopez?” Ito ang isang tanong ng mga mambabasa ng Lumbay ng Dila.  Isa sa mga kamakailang paborito kong manunulat ang Italyanong si Cesare Pavese. May isa siyang kuwento na “Among Women Only.” Inaangkin ko ang linyang ito: “And when love is over, and you know who you are, what do you do with these things you’ve learned?”

Sa “On Being Nine and First Seeing the Sea: Writing The Green House” sa A Writer’s Reality ni Mario Vargas Llosa, may ganito siyang sinabi:

What I am saying is that the truths that come out of literature are never the truths personally experienced by the writer or the reader. Literature is not a transposition of the living experience. Real and important knowledge about reality always comes out of literature, but through lies, through a distortion of reality, through a transformation of reality by the imagination and use of words. That is why a novel that tries to depict real experiences in an objective and precise way fails. It cannot succeed because the novel was invented, not to transcribe reality, but to transform it, to do something different, to make of real reality an illusion, a separate reality.

Sa nobela ring The World According to Garp ni John Irving, may isa siyang tauhan na kritiko, si A. J. Harms. Ito ang kanyang rebyu sa nobela ng bidang si Garp na The Novel According to Bensenhauer: “As he becomes more autobiographical, his writing grew narrower, also, he became less comfortable about doing it. It was as if he knew that not only was the work more personally painful to him – this memory dredging – but the work was slimmer and less imaginative in every way.”

“Gumaling na ako sa lumbay ng dila,” natagpuan kong sulat sa dila ng kasalukuyan kong bida, si Acay Amba, kaya ang pagsusugidanun niya sa Kamatayan sa Isla Boracay ng kanyang ka-tribu, ka-lahi na mga Ati at Bisaya, sa sanlibutan na nababagot at naghahangad maka-teleport – Avatar! –  kung hindi man, na, makapag-metamorphosis ala Kafka.

Anatomiya ng Kamatayan sa Isla Boracay

“Write what you know,” sabi nila, turo sa akin, kaya isinulat ko ang lupa sa Lumbay ng

Dila.

“Write what you don’t know,” narinig ko sa sarili, alingawngaw ng mga sabi rin ng iba, marahil sa mga lektyur at pelikula. Kaya ninais kong isulat, sulatin ang tubig – ang dagat.

Bakit hindi ang isla ng Panay? Isa-isa lang. Magsimula tayo sa Boracay, ang pinakasikat na isla.

May New Ph.D. Grant na nakalaan. Susulatin ko ang pangalawang nobela sa labas ng klase, hindi na sa mga coffee shops ng lungsod, hindi na sa aking masikip na condo unit – sa paraiso ng Boracay mismo!

Nadalaw ko ang komunidad ng mga Ati rito, noon pa man. Kilala ko ang mga Ati. Mga kalapit-baryo sila sa amin doon sa Antique. Baka isang Ati nga siguro ako, e. Nabanggit ko sila sa Lumbay ng Dila, bilang mga ninuno. Ngayon, sila na mismo ang magiging mga bida.

Natuwa ako sa pag-isip ng mga pangalan. Mula Sadyah Zapanta Lopez, magkakaroon ng Acay Amba at Matapunay. Sa Facebook account ko, naging handle ko ang Pangga Gen (marami na kasing Inday) at ayon sa mga natanggap kong puna at likes, natuwa naman sila sa pagpapasikat ko ng mga popular na palayaw ng kababaihan sa Bisaya, sa panahon na tunog-Espanyol at Ingles pa rin ang namamayaning pangalan ng mga bidang babae sa telenobela, maging sa kapapanganak na sanggol ng mga kaibigan at kamag-anak. Kapag sumasakay nga ng taksi, komon na at naiintindihan na ng hindi lang mga Bisaya ang ibig sabihin ng palangga.

Bakit kamatayan? Hindi kasi ako suicidal. May pagka-murderous, oo, at pantasya kong maging isang spy (in Angelina Jolie fashion) pero ni minsan, sa tutuo lang, di ko naisip magpakamatay, kahit pa hindi ko ito tinututulan. Gusto ko itong pag-isipan, maintindihan, matanggap bilang isang katotohanan ng buhay, lalo pa at labas-pasok na sa ospital ang aming Nanay.            Gusto kong paglaruan, higit sa lahat, ang pag-uugali ng mga Ati tungkol sa kamatayan. Ang kanilang kalibutan dito, lalo na sa paglilibing. Lalo na nang madiskubre ko sa Brujerias y los cuentos de fantasmas ni Maria Pavon y Araguro ang tungkol sa pagpapabitay nila sa matandang kahoy na inyam at ang pagsalubong sa kanilang kaluluwa ng kanilang tinuturing na haring ibon.

Natuklasan ko rin mula sa sarili mismo, hanggang sa pakikipag-chat sa mga kaibigan at kakilala, na hindi lang stress ang inirereklamo, nararanasan ng karamihan, kundi pagkabagot. Ito ang nagpa-pop-out na icon sa utak ngunit hindi mapangalanan kung minsan. Marahil kapatid ng stress, depresyon, lungkot dahil sa fastfood, fast love, at marami pang uri ng pag-customized sa buhay at pagkatao sa syudad.

Boredom: gusto rin kitang makilala pa, mabigyan ng lasa, ng amoy, ng kulay, ng galaw.

Pakikipag-usap sa Ibang Sanga ng Kaalaman

Marahil dahil noong bata, Science naman talaga ang paborito ko na sabdyek. Siguro dahil mahilig akong manood ng Travel Living, Animal Planet, National Geographic; siguro dahil nabasa ko si Richard Dawkins at nagustuhan at hinalungkat na rin sina Charles Darwin at Stephen Hawking, siguro dahil gusto ko ang mga librong ito: The Hopes of Snakes & Other Tales from the Urban Landscape ni Lisa Couturier, an obsession with butterflies ni Sharman Apt Russell, Dreaming Souls: Sleep, Dreams, and the Evolution of the Conscious Mind at The Problem of the Soul: Two Visions of Mind and How To Reconcile Them ni Owen Flanagan, The Botany of Desire ni Michael Pollan, The Astonishing Hypothesis ni Francis Crick, lalo na ang Unweaving the Rainbow: Science, Delusion and the Appetite for Wonder ni Richard Dawkins, at marami pang iba.

Nakita ko sa mga librong ito ang tinatawag na “the society of mind” ng humanidades at ng siyensya. Kaya sa level ng teorya, nakalagpas na rin ako sa isyu ng “hard science” laban sa “soft science,” at di ko maintindihan kung bakit kailangan silang ihiwalay o paglabanin, maliban na lamang sa pagiging sakim ng tao.

Ang Kamatayon sa Isla Boracay ang ninanais kong versyon ng aking “human ecology.” Lumalakas sa aking isipan, lumilinaw, hindi lamang ang pagbanggit at pagsalarawan ng mga bulaklak, halaman, puno, ibon, hayop, bato – higit sa lahat, ang pag-evoke sa kanilang partikular na katangian, lalo na ang pagkakatulad at kaibahan nito sa tao.

Naniniwala ako sa creative visualization, at sa pagsunod sa kutob. Dumating sa akin, mga biyaya ng mga kaibigan, ang ganitong mga libro: Forest Faces: Hopes and Regrets in Philippine forestry na inilimbag ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO) Regional Office for Asia and the Pacific at ng Environmental Science for Social Change (ESSC) noong 2008. Noong 2004, inilimbag din ng UNESCO ang Handbook of Mangroves in the Philippines – Panay, at nitong 2008, ng UP Press ang Compendium of the Economically Important Seashells in Panay, Philippines ni Liberato Laureta ng UPV-Miag-ao. Napasakamay ko rin mula mismo kay Dr. Christine Muyco ang kanyang pag-aaral sa sayaw na binanog ng Sulod-Bukidnon ng Panay, sa porma ng documentary film, ang Ga Sibod Dai-a!

Mahalaga sa akin ang mga librong ito at proyekto dahil naisulat nila ito, naparating ang kaalaman, sa isang malikhaing pamamaraan. Apirmasyon ng naisip kong pakikipagkapwa sa ibang larangan. Tuwang-tuwa ako, at inggit na inggit.

”Baka magiging cultural dictionary ng Panay flora at fauna ang nobela mo?” Sabi ng kritiko sa aking isip. Agam-agam din ito ng makatang si Jerry Gracio nang sinusulat niya ang Aves. Hindi ako nag-iisa. Nagawa niya, magagawa ko rin. Isusulat ko ang mga ito: ang

tahimikan ng bato, ang paghihintay ng orkidyas sa perpektong pollinator, ang pasensya ng ipis at ang sinasabing pagiging mapagmahal nitong ina, ang mga bulaklak at dahon ng bakawan na nagpapagaling ng sugat at sakit. Ang amoy at kulay ng gubat at dagat.

Ang Kalibutan, sa Dulo ng mga Daliri: Malikhaing Proseso

Paghahanda. Nara(ra)nasan ko ito at nai(i)ntindihan bilang ang pag-iisip bilang trabaho, ang pag-e-emote bilang bisyo.

At ang pagsisimula bilang pinakamahirap na bahagi.

At ang pagsusulat mismo bilang paglulublob, pamamahinga, at pagtatapos.

Nagpapakatotoo ako: kung ano ang pitik ng isip, boses ng isip, siyang patik-patik ng mga daliri sa keyboard. ”Show, don’t tell” oo, gayundin ang pasalaysay sa boses ng mga babaylan at binukot at ng mga matatandang kuwento ng Asya.

May napatunayan ako sa pamamahinga. Kaya hindi na ako nababahala o nagi-guilty sakaling natatagpuan ang sariling nakatunganga.

Sa the myths of innovation, tinutuligsa ni Scott Berkun ang pagsawalangbahala sa halos 20 na taon na pag-aaral ni Isaac Newton ng matematika sa Cambridge bago niya madiskubre ang law of gravity. Para kay Berkun, nararapat itong ituring na kontribusyon ni Newton, hindi tuklas. Dahil nalaman na at nagawa ito ng mga taga-Ehipto sa kanilang piramid at ng mga Romano sa kanilang koliseyum. Sinasalungguhitan din niya ang reyalidad ng maraming oras na inilaan ni Archimedes sa paghahanap ng sagot sa iniutos ng hari: ang pag-alam kung ang regalo ay likha sa purong ginto o hindi. Kaya sa araw na iyon ng paliligo, sa kanyang pag-obserba sa alwak ng tubig pagpasok sa banyo, namalas niya ang paraan sa pagsagot sa problema: sa pag-alam sa volyum at bigat ng bagay, makokompyut niya ang densidad nito. Kaya ang pagtatakbo niya sa kalsada na nakahubad, nagsusumigaw na “Eureka!” (I have found it!).

Pinapatibay ni Berkun ang argumento ni Ayn Rand sa ”Writing and the Subconscious”  tungkol sa papel ng “subconscious” sa proseso ng paglikha kapwa sa sining at siyensya. Walang misteryo: ang mistikal na elemento na niro-romanticize ng mga manunulat at artist – ang Musa, ang “Divine Inspiration,” – ay produkto ng kaalaman at karanasan sa panahon na namamalas-danas sa pamamahinga.

Panahon ng pagpapahinog ang tinatawag na procrastination na ginagamot ng modernong sikolohiya, sa bentaha ng kapitalista, sa pagkakasakit ng manggagawa (stress, cancer) sa patuloy na lumalawak at umiigting na kompetisyon sa market.

Napakahalaga ng revisyon: ang pakikinig sa inner critic at paggalang-tiwala sa mambabasa. Mapalad ako sa aking pamilya, sila ang aking unang tagabasa. Mapalad rin ako sa pagkakaroon ng mga girlfriends sa loob at labas ng bansa na kahit nasa ibang larangan, mahilig magbasa. Sa pamamagitan ng email at Notes sa Facebook, naipapadala ko sa kanila ang draft para sa kanilang puna. Sa mga postings ko rin sa Facebook, lalo na sa Kinaray-a, mabilis akong nakakakuha ng sagot mula sa mga kababayan – manunulat man o hindi – sa iba’t ibang sulok ng bansa at mundo. Nostalgia sa wika, lalo na sa mga salitang nariyan pa rin sa dila ngunit minsan, hindi na maibigkas, at ngayon, sa Kamatayon sa Isla Boracay, ano at dumadaloy – isang musika!

Wish ko lang maisalin ko ito, mailapat din sa Filipino.

Oras, oras. Kung aabutin man ng maraming taon bago lumabas ang versyon sa Filipino, ang pagsusulat ay isang disiplina’t trabaho.

At, dahil, ang pagtatapos ay isang magpakailanman.

Sinasabi ko sa inyo: alam ko na, nakikita ko na ang katapusan ng Kamatayon sa Isla Boracay. Sasabihin ko na sa inyo: magpapatayo si Acay Amba ng bagong negosyo. Hindi ko pa sigurado kung isang bahaykubo, isang hardin, isang lawa, isang kailaliman ng mundo, ngunit ang alam ko, mula sa pagiging manugsugidanun, tagapagkuwento, magiging isa siyang manugpamati o tagapakinig. Naririnig ko na ang ganitong bulong ng isip: Hindi nakikinig ang tao dahil magulo ang kanyang isip. Kung hindi man magulo, blangko, kaya nababagot, naghahanap. Matututo lamang ang taong makinig kapag nakapagkuwento na siya.

Ano ang nangyayari sa katahimikan? Sa pagitan ng pag-iisip at pagbibigkas?

Hindi paglisan ang napakahirap gawin, o ang paglimot, kundi ang pananahimik. Ikuwento mo kay Acay Amba ang iyong lungkot, ang iyong kasalanan, at makikinig lamang siya.

Parang pagtatapos ng jigsaw puzle ang pagtatapos ng nobela: nagiging makabuluhan lamang ang mga nadagdag na detalye dahil sa mga nauna nang naiposisyon. Sinusulat ko pa lamang itong nobela, sa Kinaray-a, at sinasalin, isasalin sa Filipino. Hindi ko pa alam talaga kung papaano ito tatapusin, magtatapos.

Ito, higit sa lahat, ang pangontra sa pagkabagot – ang pagpapabitay sa matandang kahoy na inyam para madagit ng haring ibon ang kaluluwa at madala malapit sa araw, sa kalawakan – sa muling pagkabuhay.

Advertisements
This entry was posted in Blog. Bookmark the permalink.

One Response to Genevieve Asenjo’s Poetics

  1. Fe Koons says:

    Love this. Kapag may PH D ka na, ano ang iyong gagamutin. Nakakatawa nga ang mga titulo. Ako rin dito sa Carson, Ca. tapos na ang nobela pero parang may kulang pa.. siguro ATI ka nga. Ako Nagbabalak rin na ituloy finally ang PH D sa comm research sa USC. Nag- masters ako sa UP College of Mass Comm. Pero magaling na ba tayo kapag may titulo? papel… panay papel.. Mas masaya pa rin nga ang maging Ati.. sa Oktubre uuwi ako sa Mindoro at kukunan ang mga Mangyan. Doon ipinanganak ang tatay. MAngyan din marahil ako. naghahanap ng tunay na dila. tunay na kaluluwa. Makibaka para sa mga Ati at Mangyan at tunay na dila!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s