Mga Tulang-Liham sa Lalaking Sasaksak sa Akin
Ilang tala tungkol sa koleksiyong Baliw sa Pag-ibig
KUNG ang lalaking makatang si Mike Bigornia ay sinasabing “bisyo ang pag-ibig” at ang sabi naman ng iniidolo kong babaeng makata na si Rebecca Añonuevo na siya ay “lasing sa pag-ibig,” ako naman na isang makatang bading ay “baliw sa pag-ibig.”
Kung makata ka, wala ka naman talagang kawala kundi isakodigo ang iyong buhay sa mga tula. Lahat ng tula ay personal. Kaya ang pagtutula ay isang uri ng pagsulat ng iyong talambuhay at pagmapa ng iyong mga paglalakbay—pisikal man ito, sikolohikal, o espiritwal. Kaya ang simpleng tula ay nagiging sagradong tulang-binalaybay.
Ibang usapan siyempre kung ang ideya mo ng pagsusulat ay isang paraan ng pagpapasikat ng iyong galing at talino kung kaya sumusulat ka ng mga tula upang manalo ng award at purihin ng mga kritiko. Kaya maraming makata ang iniiwasan ang mga madamdaming tula ng pag-ibig sapagkat akala nila imposible ang pagtitimpi sa tula ng pag-ibig.
Ano pa nga ba ang hihigit sa pag-ibig bilang karanasan nating mga tao? Wala na, wala na nga talaga. Kaya tama talaga si Rolando Tinio sa pagsabing “pag-ibig ang una’t huling pagksa ng makata.” Kaya ang mga dakilang tula sa mundo ay tungkol sa pag-ibig. Kung kaya ang mga paborito nating tula ay mga tula ng pag-ibig.
Nitong Peberero lamang ng taong ito, naisip kong ipunin sa isang koleksiyon ang mga tula ko ng pag-ibig—erotiko man o emo; dalisay man o medyo bastos. Habang inienkowd ko ang ilan sa mga tula at nag-iisip ako ng pamagat, iisang parirala lamang ang pumapasok sa aking isipan—“Baliw sa Pag-ibig.”
Noong una parang ayaw ko dahil napakaordinaryo ang dating. Pero agad ko rin namang naisip—payak man subalit puno ng sinseridad kagaya ng mga tula kong isasama sa koleksiyon. Baliw sa pag-ibig.
Wala akong deyt noong Araw ng mga Puso. Bitter-biteran ang drama ko sa bahay. Paggising ko sa umaga, mga ala-singko, may tula na sa aking sinapupunan. Kaya binuksan ko na ang aking netbook at nagsimulang sumulat ng isang tula kung saan gagamitin ko ang pariralang “baliw sa pag-ibig.”
Ngayong araw ng mga puso
Nagkulong ako sa bahay
At hinanap ang kopya
Ng mga tula ko ng pag-ibig.
Naisip ko puwede nang
Maging libro ang mga iyon.
Malay natin maging best seller,
Pagkaperahan ko pa
Ang aking kalungkutan
At pagka-ilusyunada.
Naghanap ako rito
Sa bago kong netbook.
Naghanap din ako
Sa luma kong laptop
Na nakatago na sa isang kahon
Sa kusina kasama ang mga bote
Ng red wine na ewan ko ba
Hindi ko pa rin tinatapon.
Naghanap din ako sa
Isang plastik na kahon
Na nakatago sa ilalim ng hagdanan.
Inisa-isa ko rin ang mga folder
Sa mga bookshelf.
Maghahanap din sana ako
Sa loob ng ref at oven
Subalit pinigilan ko ang sarili.
Naghanap din ako sa ilalim
Ng sala set pero wala namang
Nakatago roon
Kundi mga balahibo lamang
Ng aso kong makulit
At alikabok na ilang linggo nang
Di nawawalis. Napahatsing
Tuloy ako. Subalit
Ayaw ko pa ring tumigil
Sa paghahanap. Parang
Gusto kong maghukay
Sa maliit kong hardin
Sa likod ng bahay.
Baka kasi may inilibing akong
Isang baul ng mga tula roon.
Matagal na kasi akong
Nagsusulat ng mga tula
Para sa mga lalaking
Aking napupusuan
Alam man nila o hindi,
Naging mabait man sa akin
O hindi at itong matabang
Katawan ko lang pala
Ang habol nila
O kaya’y itong wallet ko
Kaya di ko masyadong iniisip
Kasi masaket syet. Syet
Talaga! Inabot ako ng takipsilim
Bago naipon lahat.
Aba, sitenta sila. Tamang-tama
Na isang libro. Nag-isip ako
Ng pamagat. Nainis ako sa sarili ko
At natawa. Para kasing hindi ako
Award-winning writer
At may M.F.A. sa La Salle.
Ito lang kasi ang naiisip ko:
Baliw sa Pag-ibig!
Madugo ang pag-ibig ng bading sa isang lipunang patriarkal at heteroseksuwal. Palaging sablay. Palaging umiibig sa mga taong hindi dapat ibigin dahil imposibleng tugunan ang pag-ibig na inihahain. Maraming dahilan—sobrang bata, sobrang guwapo, sobrang yaman, sobrang macho, sobrang suplado, may syotang babae, may syotang lalaki, may asawa, o lalaki lang talaga na ayaw sa bading o kapuwa lalaki. Ang sabi nga ng isang bading kong kaibigang taga-Puerto Princesa na si Tong sa mga tila imposibleng pag-ibig na ganito: “Huwag mamangka sa gitna ng kalsada. Hindi ka na nga uusad, magmumukha ka pang tanga!” Oo nga naman. Ang mga melodramatikong one-sided na bading na pag-ibig ay isang pamamangka sa gitna ng kalsada.
Magtatatlumpu’t walong taong gulang na ako ngayong taon. Kaya ko nang tirisin, gaya ng pagtiris ko ng mga garapata ng aking aso, ang mga tumutubong one-sided na pag-ibig sa aking kasingkasing. Hindi ko na masyadong pinapayagan ang sarili kong makilig sa isang lalaki. Natuto na akong pekehin ang mga emosyon gaya ng pag-ibig. Natutunan ko nang ariing mga mangingibig ang mga lalaking nakakaniig sa konteksto lamang ng pagtatagpo ng aming katawan. Kung may iniibig man akong lalaki ngayon, ito ay isang lalaking nasa imahinasyon ko lamang sapagkat siya ay perpekto. Perpekto dahil likha lamang siya ng isipan ko. Kaya baliw ako sa pag-ibig.
Tumatanda na ako at kung minsan masyado nang malungkot ang buhay. Naiinggit ako sa mga kaklase, kamag-anak, at kakilalang ka-edad ko na may mga pamilya na. Nitong Enero lamang, nakita ko sa Facebook ang larawan ng bagong bahay ng isang dating kaibigang lalaki noong nasa kolehiyo pa lamang ako. Tawagin na lamang natin siyang si Joshua.
Makata rin si Joshua. Nang magkakilala kami, isa siyang sikat na estudyante ng Arkitektura sa aming unibersidad sa Lungsod Iloilo sapagkat bukod sa matalino at editor ng kanilang magasing pang-estudyante, isa rin siyang atleta na nilangoy ang dagat sa pagitan ng Lungsod Iloilo at Isla Guimaras. Nang naging arkitek na siya, nagtrabaho siya sa ibang bansa para mag-ipon ng pera. Ngayon, may tatlo na siyang anak at may architectural firm na sa Iloilo. At iyon nga, may malaking bahay na at napakaganda ng disenyo dahil dream house niya ito bilang arkitekto.
Nainggit ako habang tinitingnan ang larawan nilang magpamilya sa bago nilang bahay. Siyempre masaya ako para sa kanila pero naiinggit pa rin ako. “Beatiful family in a beautiful house,” sinserong comment ko sa Facebook. Nang sumunod na araw, nagpasalamat si Joshua at may dugtong na, “Tinitingnan mo pala ang mga pix ko sa FB ha.”
Alam ni Joshua na in love ako sa kaniya noong nasa kolehiyo pa kami dahil minsan, noong nasa ibang bansa siya, nakatanggap ako ng e-mail ng pangangamusta mula sa kaniya. Nagkataong nalulungkot ako nang mga oras na iyon at bigla kong sinulat sa kaniya na crush na crush at in love ako sa kaniya noong nasa kolehiyo kami. Tinago ko lang dahil hindi pa ako matapang noon. Sagot niya, oo, alam daw niya. Kaya loaded ang dating sa akin ng mensahe niyang, “Tinitingnan mo pala ang mga pix ko sa FB ha.”
Sa ngayon hindi na ako in love sa kaniya. Marami na akong minahal na lalaki mula nang nagtapos kami sa kolehiyo. Tinatamad lang ako sabihin ito sa kaniya. Para ano? Baka isipin lamang niyang bitter ako. (Na kahit totoo ay hinding-hindi ko aaminin sa kaniya. Echuserang palaka!) Hindi ko na siya mahal subalit naiinggit lang ako at nanghihinayang. Naisip ko kasi, siguro kung naging babae ako at pinikot ko siya noong nasa college pa kami, akin na ang malaki at magandang bahay na iyon sa Iloilo! Sayang ang bahay. Hindi siya. Charuz!
Sa mga pagkakataong ganito, natatakot ako. Baka tuluyan na nga akong mabaliw dahil sa lungkot na dulot ng mga naunsiyami kong pag-ibig. Oo, mahilig akong mamangka sa gitna ng kalsada.
Ang kinatatakutan ko sa lahat ay paano kung dumating ang isang sandaling lungkot na lungkot ako lalabas ako at maghahanap ng panandaliang aliw at pag-ibig sa bisig ng isang estranghero sa dilim? Paano kung holdaper pala ang natagpuan ko? Paano kung may galit pala ito sa mga bading? Paano kung dinala ko siya sa isang nirentahang silid o sa bahay ko at patayin niya ako? Sasaksakin nang maraming beses hanggang sa malagutan ng hininga? Napakalaking eskandalo nito. Kawawa ang aking mga magulang at kapatid. Malulungkot ang mga kaibigan ko. Paano ang mga estudyanteng maiiwan ko sa gitna ng semestre?
Marami nang mga kahindik-hindik na kuwento tungkol sa mga bading na marahas na pinatay sa sariling bahay dahil nagdala ng lalaki. Mabuti na lamang at duwag ako. Hindi pa ako nagdadala ng lalaki sa bahay. Pero paano nga kung isang gabi hindi ko na makayanan ang labis na pangangailangan ng kaluluwa ko’t katawan? Isa ito sa mga kinatatakutan ko. Iisipin ko pa lamang, nakakabaliw na.
Ang taong baliw sa pag-ibig na tulad ko ay laging iibig. Dahil makata ako, susulat ako ng mga tula ng pag-ibig. Dahil bading ako, tungkol sa bading na pag-ibig ang aking isusulat. Ang bading na pag-ibig ay laging madugo. Sinulat ko ang tulang “Sa Lalaking Sasaksak sa Akin” bilang pakiusap at babala sa mga lalaking iibigin ko—panandalian man o pangmatagalan.
Ilang saksak ba ang kaya mong ilagda
Sa katawan kong nabububuhay lamang sa tula?
Kung iisang saksak lamang
Baka di sapat upang malagutan ako ng hininga.
Baka maospital lang ako at humanda ka
Kapag ako’y magaling na
Susulat ako ng tulang-sumpa para sa ‘yo.
Kung tatlong saksak naman
Para itong “i luv u,”
Malilito lamang ang katawan ko
Sa mensahing ipinararating mo.
Kung pitong saksak naman
Baka di ako mamamatay.
Suwerte kasing numero
Tiyak may milagro.
Kung siyam na saksak naman
Sigurado akong hindi ako mamamatay.
Siyam kasi ang buhay
Ng mga pusang makatang bading na katulad ko.
Paulit-ulit akong mamamatay at mabubuhay
Sa halit ng lason ng pagmamahal.
Kung labintatlong saksak naman,
Aba, ikaw na ang mamalasin.
Habambuhay kang tutugisin
Ng itim na talinghaga ng pag-ibig.
Kailanman ay hindi ka liligaya
Sa bisig ng taong iniibig.
Ngayon, kung alam mo na
Kung ilang beses mo ako dapat saksakin
Upang masigurong mawawalan ng ritmo
Ang mga taludtod sa puso ko at puson,
Katulad ng pagkaalam natin
Kung ilang pantig mayroon
Ang isang soneto ng pag-ibig,
Sige, saksakin mo na ako ngayon
Habang iniibig pa kita
Habang inaawit pa ng aking balat
Ang pagsuyo’t pagmamahal na dala
Ng pansamantalang pagtatagpo
Ng ating katawan at kaluluwa.
Sa susunod na linggo
Kung matatagpuan na nila ang bangkay ko,
Maaamoy ng buong mundo
Ang kakaibang bango
Ng binalaybay ng pag-ibig ko.
Ang librong ito ay hindi lamang personal kong testamento bilang bading na makatang baliw sa pag-ibig kundi testamento rin ito ng lahat ng mga bading na sinusubukang maging matatag sa buhay kahit madugo para sa amin ang umibig. Mawala man lahat maiiwan pa rin at mananatiling buhay ang mga tula ng pag-ibig. Ganoon ang aking pananalig.
[27 Pebrero 2011
Calumpit, Bulacan]
Nice meeting you all last night